Mga Uri at Sintoma – Mga Katotohanan tungkol sa Epilepsy
Ang anyo, tindi, at tagal ng mga seizure ay may kaugnayan sa bilang at uri ng mga apektadong selula ng utak. May dalawang malawak na mga uri ng mga seizure: ang pangkalahatan at pangbahagi. Ang mga ito ay umaabot mula sa mga kombulsyon hanggang sa mga pagkawala ng pansin nang ilang sandal.
Kapag ang kapwa hemisphere (mga kalahati) ng utak ang nasasangkot, ang mga seizure ay tinatawag na “pangkalahatan” at may epekto sa malay-tao at motor function mula pa sa simula. Kapag isa lang na hemisphere (kalahati) ng utak ang apektado, ang mga seizure ay tinatawag na “pangbahagi” at sa umpisa ay may partikular na mga epekto depende sa bahagi ng utak na kasangkot. Maaaring maranasan ng tao ang kapawa uri ng seizure.
Mga Uri ng mga Seizure
MGA PANGKALAHATANG SEIZURE – kasangkot ang kapwa hemisphere ng utak
Tonic-Clonic Seizure (dating kilala bilang “Grand Mal”)
Ang tonic-clonic seizure ay makikilala sa pamamagitan ng kombulsyon kung saan ang katawan ng tao ay naninigas, bumabaluktot ang mga braso, nahahatak ang mga binti, ulo at leeg, at nakasara nang husto ang mga panga; ito ang “tonic” na panahon. Ang tao ay natutumba sa lapag, kung minsan ay nariringgan ng namamaos na iyak, at pansamantalang nawawalan ng malay-tao nang ilang minuto. Sa oras na ito, nagmumukhang mahirap o humihinto ang paghinga, umaalog ang katawan, maaaring nagiipon ang laway sa bibig, at maaaring umihi. Ito ang “clonic” na panahon. Sa bandang huli, nababawasan ang pangingisay at nanunumbalik ang malay ng tao, bahagyang nalilito at pagod mula sa matinding aktibidad ng kalamnan.
Absence Seizure (pormal na kilala bilang “Petit Mal”)
Ang pangkalahatang seizure, lalung-lalo nang laganap sa mga batang nasa tatlo hanggang labing-apat na taong gulang, ay ang absence. Ang absence seizure ay higit na maituturing na mas banayad sa anyo kaysa sa tonic-clonic at, sa katunayan, napagkakamalang bilang pangangarap nang gising (daydreaming). Kung kaya, madalas napapansin ng guro sa paaralang elementarya ang karamdaman bago ito nalalaman ng sinumang iba.
Higit na karaniwang inilalarawan ng maikling paglipas ng malay-tao na kasama ang pagtitig, pagkurap ng mata, o pataas na pag-ikot ng mga mata ang absence seizure. Karaniwang nagkakaroon ang isang bata ng 50 hanggang 100 absence seizure sa isang araw. Nakalalakihan ng karamihan sa mga bata ang epilepsy na ito sa pagbibinata o pagdadalaga.
Myoclonic Seizure
Ang mga myoclonic seizure ay maaaring ilarawan bilang pag-alog o paghaltak ng katawan sa isang kalamnan o pangkat ng mga kalamnan, at karaniwang maikli ang tagal, kadalasan nagtatagal lamang ng ilang mga segundo. Samantalang ang mga taong walang epilepsy ay maaaring makaranas ng myoclonus, ang mga myoclonic seizure sa epilepsy ay madalas nagiging sanhi ng abnormal na mga pagkilos sa kapwa tagiliran ng katawan nang magkakasabay.
- Juvenile myoclonic epilepsy: Ang mga seizure na ito ay madalas nagsisimula sa panahon ng pagdadalaga o pagbibinata, at malimit nangyayari kaagad pagkagising.
- Progressive myoclonic epilepsy: Ang anyong ito ng epilepsy ay makikilala sa pamamagitan ng kombinasyon ng myoclonic at tonic-clonic na mga seizure. Ang mga sintomang ito ay karaniwang lumalala sa paglipas ng panahon at mahirap nang makontrol.
Tonic Seizure
Ang mga tonic seizure ay makikilala sa pamamagitan ng biglang kontraksyon at paninigas ng mga kalamnan. Malimit ang mga mata ng tao ay maaaring pataas na umiikot-ikot, at ang mga kalamnan sa dibdib ay nagiging mahigpit at kumikipot, maaaring mas magiging mahirap ang paghinga. Maikli ang tagal ng mga seizure na ito, at kadalasang tumatagal ng humigit-kumulang 20 segundo.
Clonic Seizure
Sa mga clonic seizure, ang mga kalamnan ng indibiduwal ay umaalog at pauli-ulit ang hilab, at mahalagang tandaan na ang pagpipigil o pag-iiba ng posisyon ng indibiduwal ay hindi maaaring magpahinto sa mga paggalaw ng seizure. Ang mga clonic seizure ay itinuturing na pambihira.
Atonic Seizure
Sa atonic seizure, ang mga kalamnan ay biglang nawawalan ng tigas (o “lakas”) dahilan sa pansamantalang mga pagbabago sa paggana ng utak. Ang mga seizure na ito ay maikli, at kadalasang tumatagal ng 15 segundo o mas kaunti. Ang mga atonic seizure ay madalas nagsisimula sa kamusmusan at nagtatagal hanggang sumapit sa hustong gulang. Bagama’t madalas na nananatiling may malay-tao ang indibiduwal at hindi naman nagbubunga ng anumang pinsala sa katawan ang mga seizure mismo, ang mga hindi direktang pinsala ay maaaring malimit mangyari mula sa pagkatumba dahil sa kakulangan ng kontrol ng kalamnan. Kung minsan din ang mga atonic seizure ay tinutukoy bilang mga “drop seizure” o “drop attack”.
ANG MGA PANGBAHAGING SEIZURE – kasangkot ang lokal na bahagi ng utak
Ang mga pangbahaging seizure (kilala rin bilang mga “partial seizure” o “localized seizures”) ay kadalasang inilalarawan sa pamamagitan ng kung ano ang nakikita at nadarama, gaya ng:
- Nang walang kahinaan ng malay o kabatiran
- Nagkakaroon ng subjective sensory o psychic phenomena
- Nang may kahinaan ng malay o kabatiran, o dyscognitive
- Nagiging isang bilateral convulsive seizure
Ang iba-ibang uri ng mga pangbahaging seizure ay inilalagay sa kategorya o inilalarawan sa pamamagitan ng mga pangunahing uri ng mga sintoma ng seizure.
Mga Simple Partial Seizure
Ang simple partial seizure ay maaaring sundan ng complex partial seizure, at ang ganitong mga kaso ay madalas na tinutukoy bilang isang “seizure aura”. Ang mga aura ay malimit kinikilala sa pamamagitan ng maikling sensasyon sa tiyan o ulo, gaya ng isang lumulubog o tumataas na pakiramdam, isang umuugong na tunog, hindi kaaya-ayang amoy, o mga mantsa/patak na nakikita sa harap ng ng mga mata. Ang mga indibiduwal na maaaring sanayin ang kanilang sarili na makilala ang simula ng aktibidad ng seizure bago ito kumalat sa iba pang mga bahagi ng utak ay maaari itong gamitin bilang isang babala para magsagawa ng mga hakbang na magbibigay proteksiyon upang hadlangan ang posibleng pinsala sa panahon mismo ng seizure.
Mga Complex Partial Seizure (kilala rin bilang “Temporal Lobe” o “Psychomotor”)
Ang pinakakaraniwang partial seizure ay kilala na ngayon sa tawag na complex-partial at dating kilala bilang temporal lobe o psychomotor. Ang complex-partial seizure ay binubuo ng tatlong maiikling yugto: Ang tao ay humihinto sa kasalukuyang aktibidad at nagiging tuliro at nagkakaroon ng expression ng pagtitig. Pagkatapos ang isang pattern ng awtomatiko at walang layuning pagkilos ang nagsisimula at karaniwang nagtatagal ng ilang minuto. Ang ganitong pagkilos ay maaaring kabilang ang paggawa ng ingay sa pamamagitan ng pagbubukas at pagtikom ng mga labi, pagpindot sa mga damit, pagbubutones at pag-aalis ng butones ng damit o paghila ng daliri. Sa pagbalik ng tao sa kanyang malay, isang maikling oras ng pagkalito at pagkagulo ang magaganap.
Binagong mga Klasipikasyon ng mga Seizure
(Ulat ng ILAE Commission 2005- 2009)
- Mga pangkalahatang seizure
- Tonic-clonic (anumang uri)
- Absence
- Typical
- Atypical
- Absence na may natatanging mga katangian
- Myoclonic absence
- Eyelid myoclonia
- Myoclonic
- Myoclonic
- Myoclonic atonic
- Myocloic tonic
- Clonic
- Tonic
- Atonic
- Mga pangbahaging seizure
- Hindi Alam
- Mga Epileptic Spasm
- (Mga kaganapang hindi malinaw na nasuri sa isa sa mga kategorya sa itaas)