KUNG NAGAGANAP ANG PANGKALAHATANG SEIZURE…

Kung sinisikap ninyong tumulong sa isang taong nagkakaroon ng tonic-clonic seizure, ang sumusunod na mga pamamaraan ay inirerekomenda:

  • Huwag subukang pigilin ang tao.
  • Gawing maaliwalas ang lugar upang maiwasan ang pinsala. Alisin ang matitigas at mapanganib na mga bagay; Lagyan ng sapin ang ulo ng tao upang maiwasang maumpog sa sahig o bangketa. Kung ang tao ay nakasalamin, alisin ito.
  • Luwagan ang mga suot sa bandang leeg at ulo.
  • Itagilid ang tao upang masala ang laway mula sa kanyang bibig.
  • HUWAG maglagay ng anumang matigas na bagay sa bibig o sa pagitan ng mga ngipin. (Maaaring mabilaukan o maging sanhi ito ng pinsala sa bibig o mga ngipin.)
  • Kapag napanumbalik ang malay ng tao at natapos na ang seizure, tumulong na humanap ng isang lugar upang makapagpahinga ang tao at muling masanay sa kapaligiran.

Kusang gumagaling ang karamihan sa mga tao. Kaya, madalas na hindi kinakailangang tumawag para sa tulong pangkagipitan maliban kung ang tao ay hindi kilalang nagkakaroon ng mga tonic-clonic seizure o kung may mangyaring pinsala. Gayunman, kung ang seizure ay tumagal nang higit sa limang minuto, o kung ang isang seizure ay sinusundan ng isa pa at hindi bumabalik ang malay-tao, dapat kaagad humiling ng agarang medikal na tulong.

 

KUNG NAGAGANAP ANG PANGBAHAGING SEIZURE…

Sikaping iwasang pigilin at mahinahong tulungan ang tao na may seizure para mabigyan ng proteksiyon mula sa di-sinasadyang pinsala. Kapag napanumbalik ang malay-tao, maaari ninyong tulungan ang tao na muling masanay sa kapaligiran.